Saturday, August 2, 2025

Tahanan ng Aking Pusong Pilipino

 Ito ang aking kauna-unahang lathala sa wikang Tagalog. Aaminin ko na hindi naging madali dahil nakasanayan ko nang sumulat sa wikang ingles sa mahabang panahon. Matagal ko na itong gustong gawin, pero hinintay ko talaga ang buwan ng wika upang ito ay ilathala. 

Ako ay ipinanganak na Pilipino. Lumaki at namuhay sa Pilipinas, at malamang ay dito na rin ako mananantili hanggang sa dapithapon ng aking buhay. Wala akong pangarap na maging mamamayan ng ibang bansa sa kahit ano pang kadahilanan.

Sa tuwing bibigkasin sa paaralan ang Panatang Makabayan, ang huling dalawang pangungusap ng lumang bersiyon na inabot ko ay nagsasabing “Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot at nang buong katapatan. Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.”

Pero minsan ko nang naitanong sa aking sarili noong ako ay bata pa, paano nga ba tayo nagiging isang ganap na Pilipino, sa isip, sa salita, at sa gawa?

Siyam na taong gulang ako nang mabasa ko ang sanaysay ni Carlos P. Romulo sa aking librong pampanitikan. Ito ay unang inilathala sa The Philippines Herald noong Agosto 16, 1941. Isinulat niya ito sa wikang ingles at ang pamagat ay “I am a Filipino.” Malamang ay nabasa mo ito o kaya ay narinig sa mga paligsahan ng bigkasan.

Sa aking murang kaisipan ay tumatak ang mga piling salita ng sanaysay na ito (at hindi ko na isasalin pa sa tagalog).

I am a Filipino–
inheritor of a glorious past, hostage to the uncertain future. 
As such I must prove equal to a two-fold task–
the task of meeting my responsibility to the past, 
and the task of performing my obligation to the future.
I am a Filipino. 
In my blood runs the immortal seed of heroes–
seed that flowered down the centuries in deeds of courage and defiance. 
That seed is immortal. 
It is the self-same seed that flowered in the heart of Jose Rizal 
that morning in Bagumbayan 
when a volley of shots put an end to all that was mortal of him 
and made his spirit deathless forever.1

Sa mga pambungad na talata pa lamang ay nangungusap sa akin ang tinig na nagsasabing ako ay salinlahi ng kabayanihan, katapangan at katapatan sa bayan. Bagamat ang ating mga bayani ay nangibang bansa sa maikling panahon, ang mga pinakakamagiting sa kanila ay nagbalik upang ipaglaban ang ating kalayaan. Inalay nila ang kanilang kabataan, kinabukasan at kabayanihan para sa Pilipinas.

At dahil bata pa nga ako noon, wala naman sa aking hinagap na maging bayani.  Ang alam ko lang ay gusto kong maging isang Pilipino na karapat dapat sa mata ng Maykapal na nagtadhana sa akin na maging isang Pilipino; at sa alaala ng ating mga bayani na nakibaka upang tayo ay maging isang malayang bansa.

I sprung from a hardy race, 
child of many generations removed of ancient Malayan pioneers. 
Across the centuries the memory comes rushing back to me: 
of brown-skinned men putting out to sea 
in ships that were as frail as their hearts were stout. 
Over the sea I see them come, 
borne upon the billowing wave and the whistling wind, 
carried upon the mighty swell of hope–
hope in the free abundance of new land 
that was to be their home and their children’s forever… 
This land I received in trust from them 
and in trust will pass it to my children, 
and so on until the world is no more.2

Sa kauna-unahang pagkakataon, naintindihan ko ang kasaysayang ng pinagmulan ng ating kabayanihan. Magmula noon ay hindi na nakakabagot para sa akin ang paksa ng Araling Panlipunan at Kasaysayan. Nabigyang buhay sa aking kaisipan ang kasaysayan ng ating lahi at kuwento ng kanilang kagitingan. 

Hindi man perpekto ang ating bansa at mga mamayan nito (at kasama na ako doon), alam ko na ngayon na kinalakhan ko ang diwa ng sanaysay ni Carlos P. Romulo sa aking kamalayan – na piliin ang ating bayan higit sa lahat, ang ialay ang aking kabataan, katapatan at pagmamalasakit sa kanyang kalinga – sa pagiging isang mabuting mamayan ng Pilipinas sa gana ng aking kakayanan at higit pa. 

Nanirahan ako kasama ng aking pamilya sa ibang bansa ng humigit kumulang tatlong taon. Pero naramdaman ko ang pangungulila – kahit pa malayo namang napakayaman at progresibo ng bansang iyon. Pangungulila, dahil alam kong wala ako sa aking sariling bansa. Kung kaya’t isang araw habang ako ay naglalakad mag isa at tinititigan ang mga magagarang ilaw sa mga modernong gusali nila, alam ko, na darating ang araw, ay babalik ako sa aking bansa. 

Dahil kahit gaano man ka progresibo at karangya ng aking paligid, hindi ito ang tahanan ng aking aking puso. 

Ako ay Pilipino. Sa isip, sa salita, sa gawa. Sa puso at sa paninindigan. Kahit pa mahirap siyang ipaglaban.


1, 2 – Mula sa sanaysay “I am a Filipino” ni Carlos P. Romulo

Kayganda ng ating Kalikasan: Tugatong ng Maruyog